Muling binanatan ng China ang Pilipinas kaugnay sa territorial dispute ng dalawang bansa sa Spratly Islands.
Ito’y makaraang tukuyin ng Pilipinas bilang reef ang Taiping o Itu Aba sa halip na isla sa inihaing kaso Philippine government sa International Arbitrary Court.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokeswoman Hua Chunying, hinahamon ng Pilipinas ligalidad ng claim ng China sa Itu Aba dahil sa argumentong walang anyong lupa sa Spratly Archipelago kabilang ang Taiping ang maikukunsiderang “life-sustaining island”.
Tila nangangahulugan anya ito na walang karapatan ang Tsina sa 200 nautical mile exclusive economic zone na sumasaklaw sa naturang isla.
Iginiit ni hua na may mga historical documents sila na buong taong nangingisda ang mga Tsino, nagtatanim at nagtatayo ng mga gusali sa isla na indikasyon na ang nabanggit na lugar ay maaaring makapag-sustain ng human life at economic activity.
Gayunman, kontrolado ng Taiwan ang Itu Aba na pinaniniwalaang may mas malakas na claim sa isla maging ang status at economic zone nito.
By Drew Nacino