Gumagawa umano ng radar facilities ang China sa itinayo nitong mga artipisyal na isla sa West Philippine Sea.
Sa satellite imagery na ipinalabas ng Center for Strategic and International Studies o CSIS sa Washington, lumitaw na mayroon nang isang high-frequency radar installation sa Spratly Islands, lighthouse, underground bunker, helipad at communications equipment.
Ang mga larawan ay lumabas isang linggo matapos isiwalat ng China na nag-deploy na ito ng surface-to-air missiles sa naturang isla na maaaring magpasiklab ng tensiyon sa rehiyon.
Ayon sa Asia Maritime Transparency Initiative ng CSIS, sa pamamagitan umano ng high-frequency radar sa Cuarteron Reef ay mamomonitor ng China ang himpapawid o air traffic mula sa Norte at iba pang ruta o lugar.
Nakatakda namang makipagpulong si Chinese Foreign Minister Wang Yi kay US Secretary of State John Kerry ngayong araw at inaasahang matatalakay ang nabanggit na usapin.
By Jelbert Perdez
Photo Credit: CSIS ASIA MARITIME TRANSPARENCY INITIATIVE/DIGITALGLOBE