Isang bandila ng China ang itinanim malapit sa teritoryo ng Kota Island sa West Philippine Sea.
Ito ang isiniwalat ni Magdalo Representative Gary Alejano, kulang isang linggo matapos niyang sabihin na ilang barko ng China ang namataan malapit sa Pag-asa Island.
Ayon kay Alejano, noong Hulyo nakita ang nasabing Chinese flag na ikinabit sa isang bakal na tubo at ibinaon sa Sand Cay ng isang Chinese vessel sa layong seven nautical miles ng Kota Island.
Iginiit din ni Alejano na nakababahala ang patuloy na isinasagawang aktibidad ng China sa West Philippine Sea sa kabila ng magandang relasyon ng dalawang bansa.
Hinimok rin ng mambabatas ang pamahalaan na aminin at ihayag ang tunay na nangyayari sa pinagtatalunang teritoryo dahil ito ay maituturing na national interest na posibleng magdulot ng implikasyon sa seguridad at ekonomiya ng bansa.