Handa na umanong mag-deploy ng mga military aircraft ang China sa Spratly Islands.
Napag-alaman ng Washington-based Asia Maritime Transparency Initiative na natapos na ang konstruksyon ng tatlong operational runways sa Fiery Cross o Kagitingan, Mischief o Panganiban at Subi o Zamora Reefs.
Bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang tatlong nabanggit na bahura.
Ang bawat hangar sa mga nabanggit na bahura ay may kakayahang mag-accommodate ng 24 na fighter jets bukod pa sa tatlo hanggang apat na malalaking eroplano.
Sa kabila ng paborableng desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa Pilipinas, nanindigan ang China na walang epekto sa kanilang militarisasyon sa Spratly Islands ang ruling ng PCA.
Vietnam
Nagpadala na rin umano ng mga military equipment ang Vietnam sa mga islang kanilang inaangkin na bahagi ng Spratly Islands.
Ang mga bagong mobile rocket launcher na idineploy Vietnam sa bahagi ng Paracel Islands ay may kakayahang umatake sa mga runway at military installations ng China.
Base sa military intelligence report mula sa mga foreign source, patagong dinala ng Vietnamese People’s Army Force ang mga rocket launcher sa lima nilang military bases sa Spratly Islands noong mga nakalipas na buwan.
Itinanggi naman ng Vietnamese Foreign Ministry ang nabanggit na balita at iginiit na wala naman silang mga rocket launcher subalit nananatili ang kanilang soberanya sa mga pinag-aagawang isla.
Magugunitang bumili ang Vietnam sa Russia at India ng defense missile system na “Brahmos” na isa sa pinakamabilis at pinakamapanganib na cruise missile sa kasaysayan.
By Drew Nacino
Photo Credit: Center for Strategic and International Studies (CSIS)/ Reuters