Aminado ang pambansang pulisya na nangunguna pa rin ang China sa mga pinagmumulan umano ng iligal na droga papasok ng Pilipinas.
Ayon iyan kay Philippine National Police (PNP) chief Dir/Gen. Oscar Albayalde, batay na rin sa mga nakalipas na operasyon ng PNP, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BOC).
Nakalulungkot ayon kay Albayalde dahil maraming indikasyon na sa China sinasabing nagmumula ang mga iligal na drogang pumapasok sa bansa at ito’y sinusuportahan din ng PDEA.
Batay sa pinakahuling datos ng PNP, tinatayang nasa mahigit dalawampu’t isang bilyong piso ang nakukumpiskang droga ng PNP at PDEA mula Hulyo ng taong 2016 hanggang Hulyo 31 taong kasalukuyan.