Inihayag ng Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI), na nabigo ang COVID-19 pandemic na pigilan ang China sa mga ginagawa nitong pag-angkin sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea, kasama na ang mga lugar na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Base sa ulat, natuklasan daw ng AMTI na tuloy-tuloy ang pagpapatrolya ng China sa West Philippine Sea simula pa noong December 2019 hanggang November 2020, at tinaasan rin nito ang kanilang frequency para sa mga ginagawa nilang pagpapatrolya sa Ayungin at Scarborough shoals.
Sinabi ni Atty. Jay Batongbacal , ng University of the Philippines’ Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea na ipinapakita lamang ng aksyon na ito ng China ang kanilang tunay na intensyon.
Pahayag ni Batongbacal, kahit na may pandemya, wala pa rin aniyang patawad ang mga Tsino dahil patuloy pa rin aniya ang ginagawa nilang pag-angkin sa WPS.
Malinaw aniya na ipinapahiwatig dito ng China na sila umano ang may buong kontrol sa pinag-aagawang teritoryo.