Ikinabahala ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano ang ginawang pagpapapasok ng Pilipinas sa bansang China para makapagsagawa ng pag-aaral sa Philippine Rise o mas kilala sa tawag na Benham Rise.
Ito ang inihayag ng mambabatas makaraang payagan ng Department of Foreign Affairs o DFA ang hiling ng Institute of Oceanology mula sa Chinese Academy of Sciences para magsagawa ng kanilang marine scientific research sa bahaging iyon ng karagatan.
Sasamahan umano ang naturang grupo ng Chinese experts ng mga eksperto naman mula sa University of the Philippines Marine Science Institute mula sa Benham Rise hanggang sa karagatang sakop ng Silangang Mindanao.
Kasunod nito, pinag-iingat ni Alejano ang Pilipinas sa pagbibigay ng permiso sa ibang bansa para mapasok ang mga karagatang nasasakupan ng Pilipinas partikular na sa China na sumasakop sa 80 porsyento ng mga inaangking teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Dagdag pa ni Alejano, mayroon din aniyang kaparehong kahilingan ang isang non-government organization o NGO mula sa France subalit hindi ito pinagbigyan ng Pilipinas.
‘Palace says’
Walang nakikitang masama ang Malacañang sa pagpasok ng mga banyaga sa teritoryo ng Pilipinas upang makapagsagawa ng pananaliksik.
Ito’y makaraang ibunyag ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano ang pagpayag umano ng Department of Foreign Affairs na makapasok ang China sa Benham Rise na kilala rin sa tawag na Philippine Rise.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, bukas naman aniya ang Pilipinas sa mga pag-aaral ng ibang mga bansa basta’t ito’y dumaan sa ligal na proseso at may pormal na kahilingan para gawin ito.
Ganito rin ang pananaw ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na nagsabing isang magandang pagkakataon aniya iyon upang ipagmalaki sa buong mundo ang mayamang biodiversity ng Pilipinas.
—-