Posibleng sa China ang maging alternatibong destinasyon ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs kasunod ng pagpapatupad ng total deployment ban sa Kuwait.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, isinasapinal na ng Department of Labor and Employment o DOLE at ng gobyerno ng China ang kasunduan sa pagpapadala ng mga OFW doon.
Umaasa ang Malacañang na magkakaroon na ng bilateral agreement sa lalong madaling panahon.
Una rito ay pormal nang ipinag-utos ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pagpapatupad ng total deployment ban sa Kuwait.
Ayon kay Bello, alinsunod ito sa paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpapatuloy ang ban kasunod ito ng pagkadiskubre ng bangkay ng isang Pinay sa loob ng freezer sa nasabing bansa.
Aniya, sakop ng ban ang mga bagong recruit habang pag-aaralan pa kung ipatutupad ito sa mga manggagawang nagbabakasyon lamang sa bansa.
Kaugnay nito, apatnaraang (400) mga OFW na kasama sa unang batch ng nabigyan ng amnestiya ang dumating na sa bansa.
Siniguro ng gobyerno na makatatanggap ng benepisyo mula sa gobyerno ang nasabing mga OFW habang hinahanapan naman sila ng bagong employer sa China at sa ibang bansa sa Gitnang Silangan.
Handa rin ang Pilipinas na papanagutin ang Kuwait para mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng pag-abuso.
—-