Nangako ng tulong ang China, South Korea at Taiwan sa isinasagawang search and rescue operations sa nawawala pang 36 na mga Filipinong tripulante ng lumubog na cargo vessel na Gulf Livestock 1.
Ayon Kay Labor Secretary Silvestre Bello, nagpadala siya ng liham sa embahada ng tatlong nabanggit na bansa para humiling ng tulong na positibo namang sinagot ng mga ito.
Dagdag ni Bello, mismong ang mga ito na rin aniya ang nagsabi tumutulong sila sa paghahanap sa mga nawawalang Filipino seafarers bago pa man matanggap ng mga ito ang kanyang liham.
Naniniwala naman si Bello sa posibilidad na natangay lamang ang mga filipinong tripulante sa South Korea, China at Taiwan dahil malapit sa mga ito ang bahagi ng karagatang pinangyarihan ng insidente.
bukod dito, patuloy din aniyang umaasa ang pamilya ng tatlumpu’t anim na filipino seafares na buhay pa ang mga ito hangga’t walang natatagpuang mga bangkay.
Magugunitang, lula ng lumubog na Gulf Livestock 1 ang nasa 43 tripulante kung saan karamihan ay mga Filipino at 6,000 mga baka ng lumubog ito sa karagatang bahagi ng Japan.
Dalawa sa 39 na mga Filipinong tripulante nito ang nailigtas habang isa naman ang natagpuang patay.