TULUYAN nang binawi ng Federal Communications Commission o FCC ang ‘license to operate’ ng China Telecom sa Estados Unidos dahil sa umano’y pagiging banta nito sa pambansang seguridad.
Kasabay nito, binigyan ng FCC ang China Telecom, na may 40 percent stake sa Dito Telecommunity Corp., ang third telco player sa Pilipinas, ng 60 days para mag-impake at ihinto ang pagkakaloob ng domestic at international services sa kanilang bansa.
Matatandaang binigyan ng US ng lisensiya ang telco para magbigay ng serbisyo sa mga subscribers sa loob ng halos 20 taon sa nasabing bansa.
Sinasabing maglalabas naman ang komisyon ng guidance para sa paglipat ng mga kustomer ng China Telecom Americas sa ibang operators.
Nabatid na ito ang pinakahuli sa serye ng pagkilos laban sa mga operator na itinuturing ng FCC na may kaugnayan sa Chinese government na sa kaagahan ng taon ay nagresulta sa pagkaka-ban ng kompanya at iba pa.