Tiniyak ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua na hindi po-protektahan ng China ang kanilang mga mamamayan na sangkot sa mga iligal na aktibidad tulad ng drug trafficking sa Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Zhao makaraang isiwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Chinese Triad na 14K ang isa sa mga pinakamalaking organized crime group na nagsusupply ng iligal na droga sa bansa.
Aminado ang Embahador na hindi nila batid kung gaano karaming miyembro ng nabanggit na triad ang nag-ooperate sa Pilipinas pero kung mayroon man aniya silang detalye ay handa nila itong ibahagi sa gobyerno ng Pilipinas.
Ang 14K ang ikalawang pinaka-malaking triad sa mundo na mayroong 25,000 libong miyembro na karamiha’y naka-base sa Hong Kong, Mainland China, South-East Asia kabilang ang Pilipinas, Amerika at Europa.
Bukod sa 14K, tinukoy din ni Pangulong Duterte na pangunahing supplier ng iligal na droga sa bansa ang United Bamboo Gang na pinakamalaking Taiwanese triad na may 10,000 miyembro.
SMW: RPE