Tiniyak ng China na nirerespeto nito ang soberanya ng Pilipinas sa gitna ng pangamba ng ilang Pilipino sa pagpapangalan sa ilang undersea features sa Philippine o Benham Rise.
Ayon kay Chinese Foreign Affairs Ministry Spokesperson Geng Shuang, ang Sub-Committee on Undersea Feature Names ay isa sa ispesyal na international organization na nangangasiwa sa paglalagay ng standards sa pagpapangalan sa mga undersea geographic feature.
Maaari naman aniyang magsumite ang isang bansa o indibiduwal na may kinalaman ng mga panukalang pangalan ng ilang partikular na bahagi ng ilalim ng dagat.
Sa kabila nito, ipinagtanggol ni Shuang ang pagbibigay ng pangalan ng Tsina sa limang maritime features sa Benham Rise na bahagi ng continental shelf ng Pilipinas.
Ang mga ito ay ang Jinghao, Tianbao, Haidonquing, Jujiu Seamounts at Cuiqiao Hill.
‘Philippine Rise’
Samantala, plano ng gobyerno ng Pilipinas na bigyan ng Filipino names ang limang undersea features na una nang pinangalanan ng China.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sana ay maintindihan ng China ang hindi pagkilala ng Pilipinas sa ibinigay nitong mga Chinese name.
Iginiit ni Roque na dapat ay respetuhin ng anumang dayuhang bansa ang sovereign rights ng Pilipinas sa Philippine Rise.
—-