Tinatayang aabot sa 500 negosyanteng Pinoy ang sasama sa nakatakdang state visit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansang China.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi pa batid ang eksaktong bilang ngunit tiyak aniyang maraming negosyante ang kabilang sa delegasyon.
Gayunman, nilinaw ni Abella na walang gagastusin ang gubyerno sa pagsama ng mga negosyante sa biyahe ng Pangulo dahil kaniya-kaniyang gastos ang mga ito.
Nakatakdang bumiyahe ang Pangulong Duterte sa China sa darating na Martes, Oktubre 18 at magtatagal naman hanggang Biyernes, Oktubre 21.
Pangulong duterte, maraming pipirmahang kasunduan sa China
Tiniyak ng Malakaniyang na walang makokompromisong usapin sa biyahe ng Pangulong Rodrigo Duterte sa China.
Ito’y ayon kay Presidential Spokesman Ernie Abella ay dahil sa nais ng Pangulo na maging soft landing lamang ito at nakatutok lamang sa mga kasunduang pang-ekonomiya.
Inaasahang maraming kasunduang lalagdaan ang Pangulo at si Chinese President Xi Jinping na may kinalaman sa aspeto ng ekonomiya.
Makikipagkita rin ang Pangulong Duterte ayon kay Abella kay Chinese Primier Li Kequiang at kay Zhang Dejiang na siyang chairman ng national business congress.
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping