Pinagpapaliwanag ng Malakaniyang si Chinese Ambassador Zhao Jianhua kaugnay sa lima pang Chinese warships na dumaan sa Sibutu Strait sa Tawi Tawi ngayong buwan nang walang paalam sa gobyerno ng Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nangako na kasi ang China kay Defense Secretary Delfin Lorenzana na magbibigay ng abiso ang Chinese navy kung papasok sa teritoryo ng Pilipinas.
Malinaw aniyang hindi ito gawain ng isang tunay na magkaibigan na basta na lamang pumasok sa isang teritoryo ng walang abiso.
Ayon kay Panelo, labag sa UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Sea ang ginawa ng China nang dumaan sa EEZ o Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.