Walang nakitang anumang palatandaan ng buhay ang Chinese coast guard sa kanilang pagpapatrolya sa karagatang malapit sa pinaglubugan ng cargo vessel na Gulf Livestock 1.
Ayon sa embahada ng China sa Pilipinas, dalawang araw nagsagawa ng search operations ang kanilang coast guard noong Setyembre 19 at 20 pero wala silang natagpuan.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng Chinese Embassy ang patuloy na pagbibigay ng anumang tulong na kailanganin at hilingin ng Pilipinas.
Kasabay nito, sinabi ng embahada ng China na nakikiisa sila sa panalangin na matagpuan ang mga nawawalang Filipino seaman sa lalung madaling panahon.
Magugunitang, isa ang China sa mga bansang hiningan ng tulong ng pamahalaan para mahanap ang 36 pang mga Pinoy na tripulante ng lumubog na cargo vessel sa karagatang sakop ng Japan.