Nakaalis na sa karagatan ng Lobo, Batangas ang Chinese dredging vessel na Emerald.
Ayon kay Lobo Mayor Jurly Manalo, noong nakaraang linggo pa niya sinabihan ang MV Emerald na umalis sa kanilang karagatan dahil wala silang karapatang maghukay at kumuha ng buhangin doon.
Inamin ni Manalo na mayroong memorandum of agreement (MOA) ang MV Emerald sa lokal na pamahalaan subalit hindi aniya ito nangangahulugan na aprubado na ang kanilang operasyon.
Marami pa aniyang proseso na dapat pagdaanan ang MV Emerald matapos makakuha ng MOA, tulad ng environmental compliance certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pang clearances mula sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
Nakatakda sanang maghukay ng buhangin ang MV Emerald upang dalhin sa ibang bansa.
Batay sa impormasyon, nasa Batangas pier na ang MV Emerald at hindi pa malaman ang susunod na hakbang nito.
Samantala, ayon naman kay Philippine Coast Guard (PCG) Batangas Chief Commander Geofrrey Espaldon sa isinagawa nilang inspeksyon ay walang nasirang mga coral reefs sa naturang dako dahil tanging mga buhangin lamang ang kanilang nakita doon.
Ang karagatan ng Lobo ay bahagi ng Verde Island Passage na tinaguriang center of the biodiversity sa buong mundo.
Bago ito, sinuspinde na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang environmental compliance certificate (ECC) ng pribadong kumpanya na kumontrata sa naturang sasakyang pandagat.
—-