Nakikisimpatya ang Chinese Government sa mga Filipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng nasawi sa pananalasa ng bagyong Vinta.
Ayon kay Foreign Minister Wang Yi, naniniwala ang Tsina na sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno ng Pilipinas ay malalampasan ng mga Filipino ang kalamidad at maibabalik sa normal ang kanilang pamumuhay sa lalong madaling panahon.
Una ng nagpaabot ng pakiki-dalamhati at panalangin si Pope Francis maging ang Canada, Australia at Estados Unidos sa mahigit kalahating milyong naapektuhang residente ng Mindanao.
Sa ngayon ay nasa 164 na ang patay sa kalamidad at karamihan sa mga ito ay sa Region 9 batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.