Ipinatatanggal ng Vietnam sa China ang di umano’y inilagay nilang anti-ship and surface to air missiles sa pinag-aagawang mga isla sa South China Sea.
Iginiit ng Vietnam na ang ginawa ng China ay paglabag sa kanilang soberanya at malaking banta sa kapayapaan.
Binigyang diin ng Vietnam ang anila’y historical at legal nilang karapatan sa mga isla na tinatawag nilang Truong Sa Islands.
Bilang tugon, binigyang diin naman ng Foreign Ministry ng China ang kanilang soberenya sa mga isla na tinawag naman nilang Nansha Island at sa karagatang nakapaligid dito.
Maliban sa Vietnam, may mga inaangkin ring isla sa naturang bahagi ng Spratlys ang Pilipinas, Taiwan, Malaysia at Brunei.
Sa ngayon ay tanging ang Vietnam pa lamang ang umalma sa militarisasyon ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Nauna nang inihayag na magsisilbing proteksyon para sa Pilipinas ang missiles na inilagay ng China sa mga pinag-aagawang mga isla sa South China Sea.
—-