May kapabilidad ang missiles ng China sa West Philippine Sea na umabot sa kalupaan ng Palawan.
Babala ito ni Congressman Ruffy Biazon, Chairman ng House Committee on National Defense and Security sa kabila ng pagtiyak ng Pangulong Rodrigo Duterte na para ito sa proteksyon ng Pilipinas.
Ayon kay Biazon, magsisilbing banta rin ang missiles na inilagay ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa mga barkong pangkalakal na dumadaan sa bahaging yun ng karagatan.
“Basta naglagay kasi ng isang military installation obligado ang naglagay na depensahan na ‘yun, dahil automatic ‘yun, puwedeng maging subject ng attack ang kanilang military position, automatic na dedepensa sila, ibig sabihin kapag may napadaan na malapit na foreign vessel o Filipino vessel, puwedeng puwede nilang i-challenge at icha-challenge nila ‘yun kumbaga pakiramdam nila threat sa kanila ‘yun, in effect magkakaroon na sila ng kontrol sa mga karagatan na ‘yun dahil hindi ka makakapasok nang hindi nila icha-challenge, nang hindi nila itataboy.” Ani Biazon
Binigyang diin ni Biazon ang tila pangbubuyo ng away ng China dahil sa ginagawa nitong militarisasyon sa West Philippine Sea.
Nalalagay aniya sa panganib ang dapat sana’y mapayapang resolusyon sa agawan ng teritoryo ng iba’t ibang mga bansa.
“Supposed to be sa area na ‘yan walang military escalation kasi nga merong usapin, merong mga dispute, ‘yan ang tinatawag na provocative action parang binubuyo mo ang mga kauisap mo na naglagay ka ng military installation diyan so panganib ‘yun doon sa progress ng payapang usapan, inescalate nila through paglagay nila nung military facility.”
The range of the Chinese missiles already overlap Philippine sovereign territory. Where those missiles are actually aimed is irrelevant. Strike capability into our territory is what matters.https://t.co/AO5UjOYt44 pic.twitter.com/XhiV5XcWwc
— Ruffy Biazon (@ruffybiazon) May 6, 2018
(Ratsada Balita Interview)
Samantala, iginiit ni Magdalo Party-list Representative Gary Alejano ang pagiging transparent o bukas ng administrasyong Duterte sa mga ginagawang pakikipag-usap nito sa China kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea.
Ayon kay Alejano, walang nakikitang malinaw na resulta ang publiko sa sinasabing diplomatic actions ng pamahalaan matapos ang mga sunod-sunod na militarization activities ng China sa West Philippine Sea.
“Makakapagpangisda ka doon pero nasa gilid ka lamang, ngayon na-di-discourage na ang mga mangingisda natin dahil aside from na na-haharass ka at hindi ka makapangisda sa magandang pangisdaan ay kinukuha pa ang mga isda ng mga Pilipino ng malalaking Chinese Coast Guard and the Navy, so hindi po tayo okay, patuloy ang pangha-ha-harrass nila.” Ani Alejano
Binigyang diin ni Alejano na maging ang sinabi ng pamahalaan na pinapayagan na ng China ang mga Filipinong mangingisda sa Scarborough Shoal ay walang katotohanan.
“Dahan-dahan po ‘yan I believe they are going to station there, combat aircraft and additional weapon system para effectively makontrol ang South China Sea, habang sinasabi nilang hindi, patuloy naman ang hakbang nila towards full militarization of the islands.” Dagdag ni Alejano
Naniniwala rin si Alejano na inuunti-unti na ng China ang pagkuha sa kontrol sa West Philippine Sea.
Kasabay nito, iginiit ni Alejano ang matibay na paninindigan ng Duterte administration para ipaglaban ang soberenya at territorial integrity ng Pilipinas.
“Nanonood sa atin ang buong mundo, tayo ang sumisira sa multilateral engagement kaya nga ang ASEAN gustong buong ASEAN ang makipag-usap sa China at magkaroon ng code of conduct at para malinaw kung ano talaga ang guidelines sa mga islands diyan sa South China Sea.” Pahayag ni Alejano
(By Krista de Dios/ (Balitang Todong Lakas Interview)