Namemeligrong hindi na kailanman pasakayin pa sa MRT o Metro Rail Transit Line 3 ang beinte tres anyos na babaeng Chinese national makaraang sabuyan nito ng taho ang isang pulis sa Boni Station, Mandaluyong City kahapon.
Sa panayam ng DWIZ kay Transportation Assistant Sec. Godess Hope libiran ng MRT 3, sinabi nito na kanila nang pinag-aaralan ang pag-ban kay Jaile Zhang.
Binigyang diin ni Libiran na layon nito na magsilbing paalala sa publiko na dapat sundin ang mga inilatag nilang alituntunin sa loob ng mga istasyon ng tren.
Kasunod niyan, sinabi ni Libiran na ipararating na rin ng DOTr sa BI o Bureau of Immigration ang kaso ni Zhang para mabigyan ito ng karampatang aksyon.
Samantala, umapela naman si Libiran sa publiko na sundin ang mga ipinatutupad na security measures upang maiwasan na ang pagkakaroon ng problema.
Sa susunod na linggo posibleng ilabas ang desisyon ng DOTr kung pansamantala o total ban ang ipapataw nilang parusa laban kay Zhang.
(interview from Mag-usap tayo)
‘Sorry’ ng Chinese national na nambastos sa MRT tinanggap
Tinanggap na ni PO1 William Cristobal ang paghingi ng paumanhin ng beinte tres anyos na Chinese national na si Jiale Zhang.
Ito’y matapos ang ginawang pagsaboy ni Zhang ng taho kay Cristobal makaraang harangin nito ang bitbit niyang pagkain sa Boni Station ng MRT kahapon ng umaga.
Pero kahit tinanggap na ang paghingi ng sorry, sinabi ni NCRPO o National Capital Region Police Office chief P/Dir. Guillermo Eleazar na hindi pa rin lusot si Zhang sa anumang pananagutan.
Kailangan pa rin aniyang harapin ng dayuhan ang mga kasong isinampa laban sa kaniya kaya’t irerekumenda rin nila sa BI o Bureau of Immigration na ideklaerang undesirable alien si Zhang.