Patay ang isang chinese national matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Pinyahan, Quezon City.
Sa imbestigasyon ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD)- Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), kinilala ang dayuhang biktima na si Jefferson Dy Tan, 25-anyos.
Ayon sa ama ng biktima, natagpuan niyang nakaluhod sa gilid kama ang kaniyang anak at may tama ng bala sa ulo at dibdib.
Sa nakuhang CCTV footage ng mga otoridad, makikita na isang puting van ang dumating at nakitang pumasok sa bahay ng biktima.
Matapos ang ilang minuto ay agad lumabas ang mga sakay ng van saka nagtungo sa direksiyon ng mapang-akit street sa nabanggit na lungsod.
Iniimbestigahan pa ng mga otoridad ang motibo sa naganap na krimen habang tinutugis narin ang mga salarin. —sa panulat ni Angelica Doctolero