Pinaghahandaan na ng mga negosyante partikular na ng mga Chinese ang pagdiriwang ng Chinese New Year sa susunod na Linggo, January 22, 2023.
Ayon sa mga nagnenegosyo sa Maynila, may hatid na swerte ang paggunita ng Chinese New Year lalo na kung makikiisa sa pagsayaw sa pagtatanghal ng 8 dragon heads kasama ang buong pamilya.
Pampaswerte din sa negosyo ang paper cutting art kung saan, tampok sa mga disenyo ang mga lotus flower at bottle gourds.
Mainam ding ihanda ang mga bilog at malalagkit na pagkain, kabilang na ang tikoy, chinese hopia, spring rolls, chinese dumplings, sweet rice balls, chinese new year cake, at ibat-ibang klase ng noodles.
Mabenta naman sa mga nagtitinda ang mga lucky charm na may disenyo ng rabbit na akma sa 2023 year of the water rabbit.
Inaasahan naman na mas dadami pa ang mga mamimili partikular na sa China Town at Ongpin Street sa Binondo, Maynila bilang paghahanda sa nalalapit na Chinese New Year.