Aalamin ng ilang mga ahensya ng pamahalaan kung ano ang mga nilabag at pananagutan sa batas ng mga dayuhang nasa likod ng isang Chinese beauty product na may maling labeling ng address nito.
Kabilang sa mga ahensya tututok sa isyu ay ang Department of Justice (DOJ), Department of Trade and Industry (DTI) at Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay DOJ Secretary Menardo Guevarra, posibleng managot ang mga distributor ng Elegant Fumes Beauty products dahil sa maling pag-label ng mga ito, gayundin kung hindi pa ito rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA).
Bukod pa rito, sisilipin din ng BI, kung may nilabag na mga immigration laws ang mga dayuhang nagmamay-ari ng Elegant Fumes products.
Nauna rito, ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno, ang pagpapasara sa ilang mga establisyimento sa Maynila na nagbebenta ng naturang beauty products na may maling labeling ng address nito.