Nasa 28 Chinese vessels na lamang ang nakakalat ngayon sa West Philippine Sea mula sa dating mahigit 200.
Ayon ito kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Cirilito Sobejana kung saan anim sa mga barkong ito ng China Coast Guard ay namataan sa Pagasa Island, Ayungin Shoal at Bajo De Masinloc.
Ang 20 pang Chinese vessels, batay sa report ng Western Command (WESCOM) ay mga fishing boat at dalawang Chinese maritime militia.
Sinabi ni Sobejana na wala pang official report sa muling isinagawang maritime patrol kahapon ng C295 ng Philippine Air Force sa Julian Felipe Reef upang malaman kung mayroon pang mga barko ng China ang naka-angkla sa nasabing lugar.
Nagkaroon aniya nang malaking pagbabawas sa mga barko ng China na nakakalat sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas lalo na’t hindi tumigil ang WESCOM kasama ang Philippine Navy at Air Force sa pagpapatroya sa West Philippine Sea, kahit pa limitado lamang ang mga barko ng AFP.
Tiniyak ni Sobejana na isusulong pa rin nila ang diplomatic ways sa pagresolba sa nasabing insidente.