Mahigpit na tinututukan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang aktibidad ng mga barko ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ito ang tiniyak ni AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay kasabay ng kumpirmasyon sa ulat ng Asia Maritime Transparency Initiative hinggil sa pagdami ng naglalayag na Chinese vessel sa pinagtatalunang teritoryo sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Gapay, umiiral pa rin ang right of innocent passage sa mga barkong naglalayag sa bahagi ng South China Sea sa kabila ng pagdami ng mga ito.
Aniya, malayang makapaglayag ang mga barko ng China basta’t patuloy na igagalang nito ang soberanya ng Pilipinas sa mga pinagtatalunang teritoryo.
Una nang sinabi ni National Security Council Vice Chairman Sec. Hermogenes Esperon Jr, halos linggu-linggong naghahain ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China dahil sa mga paglabag nito sa international law.