Kanino naman siya nag-aabogado?
Ito ang buwelta ni Senador Chiz Escudero kay Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Rowena Guanzon makaraang hamunin siya nito na idepensa si Senator Grace Poe sa mga disqualification case nito sa Korte Suprema at hamunin ng showdown sa High Tribunal.
Iginiit ni Escudero na kaya naman niyang ipagtanggol si Poe sa harap ng publiko, pero hindi niya ito puwedeng ikatawan sa alinmang korte dahil bawal ito sa ilalim ng konstitusyon.
Idinagdag pa ni Escudero na mayroon namang mga mahuhusay na abogado ang senadora.
Sinabihan naman ni Escudero si Guanzon na hindi ito maaaring mag-abogado kaninuman bilang COMELEC Commissioner.
Hindi rin aniya otorisado ang ginawa nitong pagpa-file ng komento sa Korte Suprema ng hindi man lang dumaan kay COMELEC Chairman Andres Bautista.
Umaasa si Escudero na iiwasan at titigilan na ni Guanzon ang paggawa ng hakbang at paglalabas ng anumang pahayag na pagpapakita ng pagiging bias at dapat anyang matigil na ang pambu-bully.
Una rito, sinabihan ni Escudero si Guanzon na banta sa ating demokrasya makaraang magsumite ng ‘di otorisadong komento sa kataas-taasang hukuman.
By Meann Tanbio | Cely Bueno (Patrol 19)