Dumipensa si Senador Francis Escudero sa tila paglaglag niya kay Vice President Jejomar Binay na sinuportahan niya noong 2010 elections.
Ayon kay Escudero, pawang tsismis pa lamang ang mga ibinabatong alegasyon ng korupsyon kay Binay noong panahong inendorso niya ito bilang Vice Presidential candidate.
Maliban dito, sinabi ni Escudero na kung tutuusin, nauna naman si Binay na ilaglag siya matapos silang tanggalin ni Senador Grace Poe sa line-up ng senatorial candidates ng UNA noong 2013 mid term elections.
Kasabay nito, sinabi ni Escudero na hindi rin dapat maging dahilan ang pag-endorso niya kay Binay para sumama ang loob sa kanya ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na nakalaban ni Binay noong 2010.
“Sabi nila, eh bakit sinuportahan si Binay, kasalanan niya ‘yan, bakit si Secretary Roxas, sinuportahan naman si GMA ah?, si Pangulong Aquino, maka-suporta din naman kay GMA noon ah, noong 2004 elections dahil hindi naman nila kasi alam ang mga ginawa at nagawa ni GMA noong mga panahong ‘yun at tulad nila, matapos nilang malaman ay bumitiw, nag-resign at kumalas sila doon sa koalisyong ‘yun, sa panig at parte ko hindi pa nga ako ang kumalas o umalis.” Ani Escudero.
Payo kay Lacierda
Samantala, pinayuhan ni Senador Francis Escudero si Presidential Spokesman Edwin Lacierda na magtanong muna sa Pangulong Noynoy Aquino bago ito magbitiw ng mga salita sa publiko.
Tugon ito ni Escudero sa tila paninita sa kanya ni Lacierda na hindi dapat isinasapubliko ng senador ang mga pinag-usapan sa pulong nila ng Pangulo dahil confidential ito.
Ayon kay Escudero, matapos ang kanilang pulong kasama sina Senador Grace Poe at DILG Secretary Mar Roxas, ay tinanong niya ang Pangulo kung ano ang puwedeng sabihin sa media kapag siya ay natanong.
Matatandaan na sinasabing si Lacierda ay kabilang sa tinaguriang Balay Group na nakasuporta kay Roxas samantalang Samar Group naman ang kay Escudero na sumuporta sa Noy-Bi noong 2010 elections.
“Siya ang dapat kumausap muna kay Pangulong Aquino bago niya buksan ang bibig niya, dahil nagpaalam ako sa Pangulo noong nag-usap po kami, tinanong ko siya, ano ba ang gusto at puwede kong sabihin tungkol sa meeting nating ito, ang isinagot niya sa akin noon ay ‘yung totoo, dahil kapag ako ang tinanong ‘yung totoo din ang sasabihin ko sabi ni Pangulong Aquino, so hindi ko alam kung ano ang pinaghuhugutan ni Secretary Lacierda sa sinabi niya, tsaka alam mo ngayon lang ako nakakarinig ng mga taong nagrereklamo sa transparency at accountability.” Dagdag ni Escudero.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit