Itinanggi ni Senador Francis Escudero na naghiwalay na sila ng landas ng umano’y potential running mate niyang si Senador Grace Poe.
Binigyang diin ni Escudero na magkaiba ang isip nila ni Poe at magpapasya sila kaugnay sa kanilang political plans sa 2016 elections.
Inulit ni Escudero ang naunang pahayag niya na tutulungan at susuportahan niya sa anumang paraan si Poe, anuman ang maging desisyon nito kaugnay sa 2016 elections tulad aniya nang ginawa niyang pagsuporta sa ama nitong si Fernando Poe Jr. noong 2004.
Poe, bukas magbigay daan kay Chiz
Samantala, hindi isinasara ni Senadora Grace Poe ang posibilidad na magbigay daan siya kay Senador Chiz Escudero sa sandaling magpasya itong tumakbo sa pagka-Pangulo sa 2016 Presidential elections.
Inihayag ito sa DWIZ ni Poe bilang reaksyon sa naging pahayag ni Senador Chiz na hindi niya tatapatan ang posisyong tatakbuhan ni Senadora Poe maging Pangulo o Pangalawang Pangulo.
Gayunman, nilinaw ng Senadora na matagal nang magkahiwalay ang landas nila ni Senador Escudero dahil kapwa silang mga independyenteng kakandidato sa eleksyon.
Walang kumakausap mula sa LP
Nilinaw din ni Senadora Grace Poe na wala pang ni isa man mula sa Partido Liberal ang kumakausap sa kaniya.
Ito’y para kumbinsihing tumakbo pa rin bilang running mate ni Interior Secretary Mar Roxas sa darating na halalan sa susunod na taon.
Sinabi ni Poe sa DWIZ na ibinabase lamang niya ang kaniyang mga reaksyon sa mga pahayag ng mga miyembro ng LP sa media.
Bagama’t inamin ni Poe na madalas silang nag-uusap ni Interior Secretary Mar Roxas, nilinaw nitong wala silang naisasarang kasunduan ngunit nananatiling bukas ang kanilang mga linya sa isa’t isa.
By Judith Larino | Jaymark Dagala | IZ Balita Tanghali Sabado