Bumuo na ng task force ang Commission on Human Rights (CHR) para imbestigahan ang di umano’y summary execution sa mga hinihinalang sangkot sa illegal drugs.
Ayon kay CHR Commissioner Gwen Gana, aalamin ng Task Force EJK o Task Force Extra Judicial Killings kung sino ang nasa likod ng sunod-sunod na pagpatay sa mga hinihinalang kriminal na sangkot sa illegal drugs.
Sa ngayon anya ay may 89 na silang nadokumentong biktima ng summary execution na kinabibilangan ng mga drug pushers, holdapers at snatchers.
Salvage victims
Pito (7) katao na hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuan sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila sa nakalipas na magdamag.
Nakita ang labi ng isang lalake sa barangay kabayanan San Juan City na nakitaan ng walong sachet ng shabu samantalang labi naman ng babae na may walo ring sachet ng shabu ang nakita sa Barangay Santa Lucia San Juan City.
Kalibre 38 baril naman ang katabi ng labi ng isang lalakeng nakita sa Parola Compound malapit sa Pier 2, Tondo Maynila.
Sa Lasida St, Barangay Gulod sa Novaliches Quezon City ay nakita naman ang labi ng isang lalake na binalutan ng packaging tape mula ulo hanggang mukha at may karatula pang snatcher at adik wag tularan.
Patay naman sa pananambang ng riding in tandem ang isang hinihinalang drug pusher sa Don Bosco Parañaque City.
Napag-alaman na ang biktimang si Roberto Frias ay dati nang sumuko kamakailan sa Oplan Tukhang ng PNP.
Samantala, itinapon naman sa Edsa Ortigas Flyover malapit sa Securities and Exchange commission ang isang garbage bag na naglalaman ng labi ng isang lalake.
Tulad ng biktima sa Novaliches, mayroon ring packaging tape sa kanyang mukha ang labi.
Sa Buting Bridge sa Pasig City, isang bangkay ng lalaki rin ang natagpuan na nilagyan pa ng karatula na may nakasulat na “holdaper ako ‘wag tularan”.
By Len Aguirre | Jopel Pelenio (Patrol 17)