“Walang personalan trabaho lang…”
Ito ang naging reaksyon ni Commission on Human Rights o CHR Chairman Chito Gascon sa panibagong banat ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kanya.
Ayon kay Gascon, ngayong halos labing walong (18) buwan na sa tungkulin ang Pangulo, kanya nang nakasanayan ang mga pang-aaway at minsa’y nakakasakit na mga salita nito.
Dagdag ni Gascon, ito ang halimbawa ng mga tinukoy ng mga tagasuporta at tagapagtanggol ni Pangulong Duterte na mga hindi dapat seryosohing pahayag o ang pagiging hyperbole lamang nito dahil umano sa pagiging magaling nitong leader.
Gayunman, pinayuhan ni Gascon ang Pangulo na maghinay-hinay sa kanyang mga binibitiwang salita dahil sa posibleng epekto nito sa mga polisiya ng bansa at nag-uudyok sa kanyang mga tagasuporta na tularan ang kanyang pamamaraan.
Magugunitang noong Martes ay muling binanatan ni Pangulong Duterte si Gascon at ang CHR dahil sa mga batikos nito sa war on drugs ng pamahalaan.
—-