Makikipagtulungan ng Commission on Human Rights (CHR) sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa alegasyon ng umano’y pang-aabuso sa ilalim ng kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Ayon kay CHR executive director at spokesperson Jackie De Guia, sakaling hilingin o kailanganin ng ICC ang kanilang kooperasyon, handa silang makipagtulungan dahil bahagi aniya ito ng mandato ng komisyon.
Iginiit pa ni De Guia, hindi rin obligado ang CHR na ipagbigay alam pa sa pamahalaan ang mga isusumite nilang report sa ICC dahil isang independent body ang komisyon alinsunod na rin sa isinasaad ng saligang batas.
Sinabi ni De Guia na maiiwasan sanang umabot pa sa international court ang mga kaso ng umano’y nanlaban sa ilalim ng war on drugs kung naisalang lamang ang mga ito sa tamang korte para matukoy kung may pananagutan ang pulisya.
Sa ganito paraan aniya ay napatunayan at naipakitang maayos na gumagana ang mga korte sa bansa.