Hindi na ikinagulat pa ng CHR o Commission on Human Rights ang ulat ng Philippine National Police (PNP) ukol sa estado ng EJK’s o extra judicial killings sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ito ay matapos sabihin ng PNP na isa lamang ang kaso ng EJK na kanilang naitala magmula nang maupo sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Kalaunay itinama din ito ng tagapagsalita ng PNP na si Chief Superintendent Dionardo Carlos at sinabing wala pang kaso ng EJK lalo’t kinukumpirma pa kung biktima ng EJK ang mamamahayag ng Catanduanes na si Larry Que.
Ayon kay CHR Chair Chito Gascon, pilit binabago ng PNP ang tunay na bilang ng mga biktima ng EJK sa pamamagitan ng pagsasailalim sa mga kasong ito sa death under investigation.
Binigyang-diin ni Gascon na patunay lamang ang SWS o Social Weather Station survey na hindi credible o kapanipaniwala sa mayorya ng publiko ang mga pulis lalo na sa mga nagsasabing nanlaban ang drug suspect kaya’t napatay.