Ipinagtanggol ng Malacañang ang Commission on Human Rights (CHR) mula sa mga panawagang pagbuwag sa nasabing komisyon
Ito’y makaraang umani ng batikos ang CHR dahil sa tila mas kinakampihan pa nito ang mga napapatay na kriminal kay sa mga nabibiktima ng krimen
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, hindi dapat tumalon sa konklusyon ng pagbuwag sa CHR dahil sa wala aniya itong kinikilingan
Lahat aniya ng mga Pilipino ay saklaw ng proteksyon ng saligang batas na siyang pangunahing mandato ng CHR
Dahil dito, kailangan aniyang siyasatin ng ahensya ang lahat ng mga posibleng paglabag sa karapatang pantao maging karapatang sibil o politikal
Magugunitang binatikos ang CHR nang imbestigahan nito ang pagkamatay ng isa sa dalawang suspek sa panghoholdap at panggagahasa sa 2 babaeng pasahero ng kolorum na UV Express na pinaniniwalaang nilikida na ng mga pulis
by: Jaymark Dagala