Kuntento ang Commission on Human Rights o CHR sa mga natanggap nilang report sa unang araw ng muling paglulunsad ng Philippine National Police (PNP) ng ‘Oplan Tokhang’.
Batay sa kanilang monitoring, sinabi ni Atty. Jackie De Guia, tagapagsalita ng CHR, na pangkahalatang naging mapayapa ang pagbabahay – bahay ng mga pulis sa buong Kamaynilaan.
Gayunman, bigo aniya silang makapagpadala ng kanilang kinatawan sa mga operasyon sa kabila ng imbitasyon ng PNP dahil sa kakulangan sa tao.
Tiniyak naman ni De Guia na hindi sila titigil sa pagbabantay sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga at wala nang malalabag na mga karapatang pantao.
Batay sa bagong guidelines ng Tokhang, dapat may kasamang isang human rights officer mula sa Philippine National Police – Human Rights Affairs Office (PNP-HRAO) o di kaya’y sinumang human rights advocate.
Ngunit hindi idinetalye sa guidelines kung sino-sino ang matuturing na human rights advocate.
Nakasaad din sa guidelines na dapat may kinatawan din mula sa simbahan at sa barangay na sasama sa Tokhang.
Maaari ding sumama ang media kung inimbitahan.