Kinontra ng Commission on Human Rights o CHR ang pahayag ng Philippine National Police o PNP na walang kaso ng extrajudicial killings sa ilalim ng Duterte administration.
Ayon kay CHR Spokesperson Jackie de Guia, libu-libo na ang namamatay sa kampanya kontra droga ng administrasyon.
Binigyang diin ni De Guia na hindi maaaring sabihin ng PNP na walang EJK hangga’t may mga kaso ng pagpatay at drug related killings na hindi nareresolba.
Kasabay nito, nanawagan si De Guia sa PNP na maging transparent at maging bukas para sa imbestigasyon.
“Nagkakaroon ng discrepancies ngayon sa tala ng pulis at tala ng civil society organizations, kaya naman importante ang openness at transparency sa mga impormasyong ito, kaya humihingi tayo ng kopya ng lahat ng report para masuri nating mabuti lahat ng insidente at malaman natin kung ilan ang sinasabing EJK at ilan ang hindi EJK.” Pahayag ni De Guia
—-