Dapat magdoble kayod ang pamahalaan ng Pilipinas para patunayan ang kredibilidad nito para isulong ang mga usaping may kinalaman sa karapatang pantao.
Iyan ang hamon ng CHR o Commission on Human Rights matapos ma makakuha ng puwesto ang bansa sa United Nations Human Rights Council.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jackie de Guia, kailangan aniyang resolbahin agad ng administrasyong Duterte ang dumaraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Bagama’t ikinatutuwa nila ang pagkakakuha ng puwesto ng Pilipinas sa UN-HRC, may kaakibat aniya iyong pananagutan at iyon ay maging tapat sa sinumpaang tungkulin sa bayan na alagaan at protektahan ang kapakanan ng publiko.
Magugunitang 165 mula sa 192 bansang miyembro ng UN-HRC ang bumoto para makakuha ng puwesto ang Pilipinas sa loob ng dalawang taon mula 2019 hanggang 2021.