Hinimok ng Commission on Human Rights (CHR) ang pamahalaan na bigyang atensyon ang kalusugan ng mga bilanggo, partikular ang pagbabakuna kontra COVID-19.
Ayon kay CHR Spokesperson Jacqueline De Guia, dapat tratuhin bilang taong may dignidad at karapatan ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa gitna ng pagsisiksikan sa mga piitan ngayong may pandemya.
Sa kasalukuyan ay 474 senior citizens pa lamang mula sa kabuuang 48,000 inmates sa pitong bilangguan sa ilalim ng Bureau of Corrections ang binakunahan.
Ipinunto ni De Guia na sa ilalim ng Nelson Mandela Rules, na dating pangulo ng South Africa, karapatan ng mga PDL ang pagkakaroon ng health care tulad ng mga komunidad na may access sa libreng health-care services nang walang diskriminasyon.
Ipina-alala rin ng CHR na ang pagpapabaya sa mga PDL ay maaaring magresulta sa paglabag ng bansa sa UN Convention Against Torture and Other Cruel, Inhuman, or Degrading Treatment or Punishment. —sa panulat ni Drew Nacino