Hinamon ng Commission on Human Rights ang liderato ng pambansang pulisya na ilantad ang mga rekord na maaring sumuporta sa pahayag nito na ang mahigit 3,000 nasawi sa drug war ng pamahalaan ay pawang nanlaban.
Ginawa ni CHR Commissioner Gwen Pimentel ang pag-hamon, matapos sabihin ni Department of Foreign Affairs o DFA Sec. Alan Peter Cayetano sa isang panayam dito ng Al Jazeera na ang lahat ng mga nasawi sa war on drugs ng gobyerno ay mga “criminal drug dealers”.
Pahayag ni Pimentel, hindi nya alam kung saan nakuha ni Secretary Cayetano ang kanyang mga ibinigay na impormasyon.
Mapatutunayan lamang aniya ang naturang pahayag ng DFA official kung ilalabas ng PNP ang resulta ng kanilang mga imbestigasyon.
Una ng sinabi ng pambansang pulisya, na wala silang naitatalang mga kaso ng extrajudicial killings sa bansa simula noong buwan ng Hulyo ng nakalipas na taon.