Nagbabala ang CHR o Commission on Human Rights laban sa paggamit ng drug boxes at paglalagay ng ilang Local Government Unit o LGUs ng drug free home stickers sa bahay ng kanilang constituents.
Binigyang diin ng CHR na labag sa Bill of Rights ng konstitusyon at maging ng international law ang mga naturang paraan para tugisin ang mga sangkot sa illegal drug operations.
Sinabi ng CHR na ang mga impormasyong makokolekta mula sa drug boxes ay maaaring magbigay daan sa pag-aresto ng mga inosenteng indibiduwal kung hindi idadaan sa verification at mga proseso ng korte.
Uubra anitong malantad sa diskriminasyon ang mga bahay na walang drug free sticker at ikunsidera na drug users ng walang due process.
Ayon pa sa CHR suportado nila ang kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga subalit posibleng makasira sa reputasyon at dangal ng isang pamilya ang mga katulad na strategy.
Muling ipinaalala ng CHR sa mga LGU at mga otoridad na dapat igalang at protektahan ng pamahalaan ang dignidad ng bawat indibidwal at karapatang pantao ng lahat tulad nang nakasaad sa UN Code of Conduct for Law Enforcement.
By Judith Larino