Nababahala ang Commission on Human Rights sa ginagawang taktika ngayon ng gobyerno sa paglaban sa droga sa mga baranggay.
Partikular na rito ang paglalagay ng mga drop boxes kung saan inihuhulog ang mga pangalan ng mga pinaghihinalaang drug suspek sa komunidad at ang pagdidikit ng mga drug-free home stickers sa mga kabahayan.
Ayon sa ahensya, nakababahala ang mga drop boxes dahil maaaring maaresto ang isang taong napagkamalan lang naman kung ang impormasyong itinimbre sa mga otoridad ay hindi beripikado at hindi naproseso sa korte.
Ang mga naninirahan naman anila sa mga bahay na walang drug free home stickers ay posibleng paghinalaang drug pusher o user.
Pinaalalahanan ng CHR ang mga otoridad na protektahan ang dignidad ng tao at ang right to privacy sa mga isinusulong na taktika sa pagsugpo sa iligal na droga.