Humingi ng tawad ang Commission on Human Rights (CHR) dahil sa kabiguan ng mga ito na sagipin ang nasa 12 preso na nakakulong sa tinatawag na “secret jail cell” sa Manila Police Station noong Abril ng taong 2017.
Ito ang inihayag ni CHR spokesperson Jacqueline De Guia matapos maging trending ang dokumentaryong “Aswang” kung saan makikita ang isang eksena ng ilang indibidwal, mga lalake at babae, na kapwa nakakulong sa likod ng isang bookshelf na walang bintana at ilaw.
Nabatid na walang kaukulang kasong isinampa sa mga ito at nakararanas pa ng pagmamaltrato.
Sinusubukan umano ng mga pulis na kumita sa mga ito kapalit ng kanilang kalayaan.
Ani De Guia, kinikilala nila ang mga puna at kritisismong ipinupukol sa kanila dahil sa pinakita sa naturang dokumentaryo.
Aniya, bukas sila rito dahil naniniwala sila na anumang komento mula sa publiko ay mapapabuti ang kanilang serbisyo.