Nanindigan ang CHR o Commission on Human Rights na iligal ang warrantless arrest kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na martial law sa Mindanao.
Ginawa ng CHR ang naturang pahayag makaraang sabihin ng pangulo na maaaring mag-aresto ang mga awtoridad nang walang arrest warrant at maghalughog ng mga bahay sa ilalabas na arrest search and seizure order na pirmado ni AFP Chief of Staff General Eduardo Año.
Ayon sa CHR, ipinagbabawal ang naging kautusan ng pangulo sa 1987 constitution dahil mayroong lehislatura at sinusunod na protocol kaugnay nito upang masigurong hindi na mauulit ang umano’y pang-aabuso noong martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Tinukoy din ng CHR ang nakapaloob sa ilalim ng section 5, Rule 113 ng rules of court na hindi maaaring humuli o dumakip nang walang arrest warrant kahit nasa ilalim ng batas militar ang isang bansa.
Maaari lang anilang gawin ito kung nasaksihan mismo ng awtoridad ang krimen at kung isang takas na bilanggo batay sa rules on criminal procedure.
By Meann Tanbio
CHR nanindigan na iligal ang warrantless arrest kasunod ng martial law sa Mindanao was last modified: May 28th, 2017 by DWIZ 882