Hinimok ni Deputy Speaker at Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Commission on Human Rights (CHR) at National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang umano’y red tagging sa mga organizer ng nagsulputang community pantry sa bansa.
Batay sa inihaing House Resolution No. 1725 ni Rodriguez, pansamantalang napilitang magsara ang maraming community pantries sa bansa dahil sa takot sa naging red tagging sa mga ito.
Giit ni Rodriguez, hindi niya isinasantabi ang kahalagahan na maging mapagmatyag sa mga posibleng aktibidad na may kinalaman sa red tagging, ngunit hindi rin naman umano mabuti na magresulta ang red tagging para mapatigil ang mga aktibidad na may malinis na layunin gaya ng community pantries
Magugunitang panandaliang nagsara o natigil ang operasyon ng Maginhawa Community Pantry sa Quezon City dahil umano sa takot ng organizer nito bunsod ng red tagging.