Sadyang ginipit ng tinaguriang ‘super majority’ ang CHR Commission on Human Rights para mapilitang magpatupad ng pagbabago sa kanilang trabaho na papabor sa sambayanang Pilipino.
Inamin ito ni House Justice Committee Chair Reynaldo Umali matapos bigyan ng Kamara ng isanlibong pisong (P1,000) budget ang CHR para sa susunod na taon.
Sinabi ni Umali na panahon na para baguhin ng CHR ang kanilang imahe at itigil na ang pagiging bias laban sa gobyerno.
Maaari namang mag-iba ang desisyon ng Kamara o marekunsidera ang 2018 budget ng CHR kung aayusin ng ahensya ang trabaho nito.
‘Etta Rosales says’
Samantala, pinagpapaliwanag ni dating CHR Commissioner Loretta Ann Rosales ang mga kongresistang bumoto para mabigyan ng P1,000 budget ang CHR.
Sinabi ni Rosales na sampal sa mamamayang Pilipino ang nasabing budget ng CHR para sa susunod na taon.
Malinaw aniya sa nasabing hakbang na bigo ang Kamara na gawin ang mandato nitong alagaan ang interes ng taumbayan at kawalan ng pakialam sa karapatang pantao ng mga Pilipino.
—-