Sinita ng Commission on Human Rights (CHR) ang militar sa tila paggamit nito sa labi ng anak ni Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat na si Jevilyn bilang ‘trophy’ o pagpapakita ng tagumpay sa engkuwentro laban sa New Peoples’ Army (NPA).
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacque De Guia, kanilang ikinababahala ang pagturing ng mga kinatawan ng pamahalaan ang pagkamatay ng kapwa Filipino bilang isang tagumpay.
Aniya, paulit-ulit na kinokondena ng CHR ang anumang uri ng labanan o giyera kung saan walang sinoman ang tunay na nagwawagi at nagdudulot ng pagkasira sa buhay at komunidad.
Dagdag ni De Guia, sa mga panahong hindi na maiiwasan ang anumang armadong labanan, umaasa silang tatalima sa umiiral na international humanitarian law ang magkabilang panig.
Wala aniya silang nakikitang magandang dahilan para magpakuha ng larawan sa labi ni Jevilyn kasama ang nasabat na mga armas at bandila ng mga komunista.
Samantala, pinaalalahanan naman ng CHR ang militar na sumunod sa kautusan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ayusin ang pagbiyahe sa labi ni Jevilyn at tiyaking itatrato ito ng may paggalang.