Umalma ang Commission on Human Rights (CHR) sa paglusot sa committee level ng panukalang babaan ang edad ng mga batang maaaring panagutin sa mga kasong kriminal.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacque De Guia, ang nasabing panukala ay paglabas sa obligasyon ng gobyerno na protektahan ang mga kabataan batay na rin sa nilagdaang kasunduan ng bansa sa Convention on the Rights of the Child ng United Nations.
Sinabi pa ni De Guia na malinaw din sa konstitusyon na karapatan ng mga batas na mabigyan ng proteksyon laban sa karahasan at iba pang aksyon na makakasagabal sa kanilang paglago bilang indibidwal.
Negatibo rin ang nakikitang epekto ng grupong Save Children Philippines sa nasabing panukala na anito’y magtutulak pa sa mga kabataan sa diskriminasyon, pang aabuso at mas malawak pang anti-social behavior.
Iginiit ng grupo ang pagpapatupad ng Juvenile Justice and Welfare Act na may kasamang malinaw na mga programa at serbisyo para sa prevention, response at reintegration ng mga kabataan pabalik sa kanilang pamilya at komunidad.