Muli na namang masisilayan sa kahabaan ng EDSA ang mga kulay orange na harang na ginamit noon bilang APEC lanes.
Ngunit ayon sa PNP Highway Patrol Group o HPG, tatawagin na itong ‘Christmas lanes’ na layong maibsan ang inaasahang mas pagbigat pa ng daloy ng trapiko ngayong Kapaskuhan.
Sinabi ni PNP Hpg Dir. C/Supt. Arnold Gunnacao, ilalagay ang mala-APEC lanes sa pinakaloob o inner most lanes ng EDSA mula Shaw Blvd. hanggang Mall of Asia.
Tanging ang mga pribadong sasakyan lamang aniya ang makakaraan dito at makalalabas lamang sa Buendia at Ayala Avenue o di kaya’t makadidiretso na patungong MOA.
Inihayag din ni Gunnacao na maglalatag din sila ng plastic barriers sa yellow lane upang maiwasan ang mala-sawang pagpapalipat-lipat ng linya ng mga pampasaherong bus.
Daloy ng trapiko mas titindi pa
Asahan nang mas sisikip pa ang daloy ng trapiko sa Metro Manila ngayong pumasok na ang buwan ng Disyembre.
Ayon kay PNP Highway Patrol Group Director C/Supt. Arnold Gunnacao, ito’y dahil sa maraming mga kababayang mula sa karatig lalawigan ang natitiyagang lumuwas sa Maynila para sa kanilang Christmas shopping.
Bukod dito, marami rin aniyang mga negosyante ang sasadya rin sa Kamaynilaan para makamura sa kanilang mga paninda.
Kaya naman, payo ni Gunnacao sa mga pasahero’t motorista, magbaon ng karagdagang pasensya at manatiling kalmado habang naglalakbay.