Kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na muli nilang ibinalik ang mga quarantine checkpoint sa mga lagusan papasok at palabas ng Metro Manila.
Ito’y kasunod na rin ng ilang araw na lagpas sa 2,000 ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa tinaguriang kabisera ng bansa.
Ayon kay NCRPO Director P/BGen. Vicente Danao Jr, batay sa kanilang monitoring, sumampa na sa 2,500 ang naitalang bagong kaso ng coronavirus nito pa lamang araw ng Biyernes, Disyembre 18.
Kaya naman kung magtutuloy-tuloy aniya ang pagsipa ng bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, ibinabala ni Danao na irerekumenda nilang magpatupad muli ng lockdown o ibalik ito sa modified enhanced community quarantine (MECQ).