Pina-alalahanan ng Department of Education ang mga paaralan na bawal ang pwersahang ambagan sa gitna ng inaasahang kaliwa’t kanang Christmas Party.
Kasunod ito ng pagpapahintulot ng DepEd sa pagdaraos ng mga Christmas Party sa mga eskwelahan bunsod ng pinaluwag na Covid-19 restrictions matapos ang dalawang taon.
Ayon kay Vice President at Education secretary Sara Duterte, dapat ay maging simple pero makabuluhan ang pagdiriwang ng pasko sa mga pampublikong paaralan, maging sa mga opisina ng DepEd.
Ito’y dahil na rin sa hirap ng buhay at ekonomiya ng bansa bunsod ng mahal na mga bilihin.
Batay sa kautusan ng kagawaran, dapat ay boluntaryo at hindi pwersahan ang magiging ambagan ng mga magulang, estudyante o empleyado ng DepEd para sa exchange gift.
Pinayuhan naman ng DepEd ang mga school official na gamitin na lamang ang mga lumang Christmas decorations dahil hindi nila sinasang-ayunan ang pagbili ng mga bagong dekorasyon sa mga paaralan.