Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Dionardo Carlos ang imbestigasyon kaugnay sa pagkakasangkot ng mga tauhan ng pulisya sa iligal na gawain.
Ito’y kasunod ng pagkakaaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa 8 miyembro ng mga kabaro nila mula sa CIDG Anti Organized Crime Unit sa Angeles City sa Pampanga.
Kasunod nito, pinagpapaliwanag na ni Carlos ang mga opisyal na siyang nakasasakop sa 8 pulis na naaresto maging si CIDG Director P/BGen. Albert Ferro.
Aniya, kailangang masagot ang tanong na sa kabila ng magandang benepisyong ibinibigay sa mga pulis ay bakit may mga nangangahas pa ring pumasok sa mga iligal na gawain.
Sakaling hindi niya magustuhan, sinabi ni Carlos na pasensyahan na lamang dahil kailangan din niyang ipatupad ang umiiral na one strike policy at tiyak na masisibak ang mga ito sa puwesto.
Sa huli, tiniyak din ng PNP Chief na matatanggal sa serbisyo ang 8 naarestong Pulis na sumusuway pa rin sa kaniyang mga tagubilin dahil ayaw niyang mabahiran o madamay ang mga matitinong Pulis. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)